Legal opinion ng DOJ, hihintayin muna ng Malakanyang bago bayaran ang nalalabing utang ng Philhealth sa PRC
Nakiusap ang Malakanyang sa Philippine Red Cross (PRC) na huwag masyadong mag-apura sa paniningil sa natitirang utang ng Philhealth kaugnay ng ginagawang swab test sa mga suspected Covid- 19 patient.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na pinag-aaralan na ng Department of Justice (DOJ) ang kasunduan ng Philhealth at PRC para makapagpalabas ng legal opinion.
Ayon kay Roque sinisilip ng DOJ ang notice of collection kung makatuwiran bang bayaran ng buo ang sinisingil ng Red Cross sa Philhealth na 930 milyong pisong utang.
Inihayag ni Roque, hindi tinatalikuran ng Philhealth ang utang sa Red Cross ang katunayan mismong si Pangulong Duterte ang nangako na babayaran ito.
Naglabas ng pahayag ang Red Cross na kailangang bayaran ng Philhealth ang balansing 430 milyong piso sa lalong madaling panahon matapos ang paunang bayad na 500 milyong piso para hindi na magkaproblema sa pagsasagawa ng swab test lalo na sa mga bumabalik sa bansa na mga Overseas Filipino Workers o OFWS.
Vic Somintac