Legal opinion ng DOJ sa kasunduan sa pagitan ng PhilHealth at Philippine Red Cross sa COVID-19 testing, ilalabas sa linggong ito
Nakatakdang ilabas ng Department of Justice sa linggong ito ang legal opinion nito sa kasunduan sa pagitan ng PhilHealth at Philippine Red Cross sa COVID-19 testing.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, nirerebyu pa nila ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng PhilHealth at Red Cross sa libreng swab test.
Pagkatapos anya nito ay ipapalabas ng kagawaran ang opinyon nito.
Una nang itinigil ng PRC ang libreng COVID testing sa mga umuuwing OFWs, frontline workers at iba pang mga Pilipino dahil sa utang ng PhilHealth na umabot sa PhP930-M.
Tiniyak naman ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PRC na babayaran ng pamahalaang ang utang nito sa COVID testing.
Ipinunto naman ng bagong liderato ng PhilHealth na may nakita silang mga kwestyonableng probisyon sa kasunduan.
Aabot naman na sa PhP 1.6-B ang naibayad ng PhilHealth sa PRC para sa mahigit 400,000 na swab test na isinagawa nito.
Moira Encina