“Leptospirosis”, umakyat na sa 1,699 mula Enero-Hunyo, 2023
Umabot na ngayon sa halos 1,700 ang mga naitalang kaso ng leptospirosis sa unang 6 na buwan pa lang nitong taon.
Sa datos ng Epidemiology Bureau ng Department of Health (DOH), mula Enero 1 hanggang Hunyo 17, nakapagtala ng 1,699 leptospirosis cases sa bansa na mas mataas ng 65% kumpara sa 1,029 na naitala noong 2022.
Sa nasabing bilang, 174 ang nasawi na mas mataas din sa 148 death na naitala sa kaparehong panahon nang nakaraang taon.
Kabilang sa mga rehiyon na nakapagtala ng pinakamataas na kaso ng leptospirosis ay sa MIMAROPA na may 293 na kaso, Cagayan Valley-229, Zamboanga Peninsula-148, National Capital Region, 143 at Bicol Region na may 136 na mga kaso.
Patuloy na paalala ng DOH sa publiko, iwasang lumusong sa tubig-baha lalo na kung may sugat.
Kabilang sa sintomas ng leptospirosis ay lagnat; pananakit ng kalamnan, ulo at katawan; chills; diarrhea; rashes; paninilaw ng balat at pamumula ng mata.
Kapag nakaranas ng ganitong sintomas ay agad aniyang magpakonsulta sa doktor.
Madz Villar Moratillo