LGU’s pinakiusapan ng Malakanyang na tumulong sa paglaban sa pagkalat ng Japanese encephalitis sa bansa
Hinikayat ng Malakanyang ang mga Local Government Units o LGU’s na agad ipagbigay alam sa Department of Health o DOH kung may pinagsusupetsahan silang kaso ng Japanese encephalitis sa kanilang mga nasasakupan.
Pinawi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella ang pangamba ng publiko sa paglaganap sa bansa ng Japanese encephalitis at sinabing mahigpit na nakamonitor ang gobyerno hinggil dito.
Karaniwang kumakalat ang sakit na ito ngayong panahon ng tag-ulan kung kailan kasagsagan ng paglipat o paghawa nito sa iba dahil sa pagdami ng mga lamok.
Umapela si Abella sa publiko at mga opisyal ng Barangay na magtulungan na linisin ang kanilang kapaligiran tulad ng ginagawa para maiwasan ang pagkalat ng dengue virus.
Kailangan matukoy ang pinamumugaran ng mga lamok at sirain ito para mapuksa ang mga lamok na nagdadala ng virus.
Sa ngayon ay tinatapos na ng DOH ang mga plano para maipakilala na ang akmang bakuna sa mga bata kontra sa Japanese encephalitis sa susunod na taon.
Ulat ni: Vic Somintac