LGUs pinapayagan na magkaloob ng pinansiyal na tulong sa IBP chapters para sa libreng legal service sa mahihirap
Maaaring bigyan ng mga LGUs ng pinansiyal na tulong ang mga chapters ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) para sa libreng legal aid nito sa mga mahihirap.
Ito ang nilinaw ng Commission on Audit (COA) sa liham nito sa pamunuan ng IBP.
Una nang sumulat si IBP National President Burt Estrada sa COA para klaruhin kung sakop ba ng pagbabawal sa ilalim ng COA Circular No. 98-002 ang anumang kasunduan na papasukin ng LGUs at IBP para sa pagkakaloob ng libreng legal service sa mahihirap na constituents ng LGUs.
Ayon sa COA, ang ipinagbabawal sa nasabing sirkular ay ang pagkuha ng mga pribadong abogado para hawakan ang mga kaso na kinasasangkutan ng LGUs.
Ipinaliwanag ng COA na iba ito sa kasunduan ng LGU at ng IBP chapter para sa pagkakaloob ng legal aid sa mga mahihirap na sakop ng LGU.
Kaugnay nito, pinayuhan ng COA ang IBP na linawin sa terms and conditions ng kasunduan ang mga partikular na responsibilidad ng IBP chapters at LGUs kabilang na ang uri at layunin ng assistance.
Sinabi naman ng IBP na ngayong nalinaw na ang nasabing isyu ay maaari nang pumasok sa memorandum of agreement ang mga chapters nito at ang LGUs upang mabigyan suportang pinansiyal at iba pa ang legal aid program ng grupo.
Moira Encina