Liberal Party Senators, inalisan ng Committee Chairmanship
Tuluyan nang napatalsik bilang Senate President Pro Tempore si Senador Franklin Drilon.
Walang humarang nang maghain ng mosyon si Senador Manny Pacquiao na maideklarang bakante ang pwesto ni Drilon.
Si Senador Ralph Recto ang pumalit kay Drilon na nakakuha ng labimpitong boto mula sa dalawamput tatlong present na mambabatas.
Bukod kay Drilon, tinanggalan na rin ng Committee Chairmanship ang iba pang miyembro ng Liberal Party na kinabibilangan nina Senators Bam Aquino, Chairman ng Senate Committee on Education, Risa Hontiveros, Chairman ng Committee on Health at Francis Pangilinan, na Chairman ng Senate Committee on Agriculture.
Si Senador JV Ejercito ang papalit kay Hontiveros, si Senadora Cynthia Villar sa Agriculture habang si Senador Francis Escudero sa Committee on Education.
Sa ngayon, nagpasya na ang grupo ni Drilon na kakalas sa Majority Coalition at sasama na sa Minority Bloc sa Senado.
Ulat ni: Mean Corvera