Libo-libong manok, namatay sa poultry farm sa Nagcarlan, Laguna
Humigit-kumulang sa 43,000 manok ang namatay sa isang poultry farm sa Barangay Maravilla, Nagcarlan Laguna, kahapon. Ito ay dahil sa pagkawala ng suplay ng kuryente nang apat na oras dahilan upang pumalya ang aircondition ng poultry at nauwi sa heat stroke ng mga alagang manok.
Ayon kay Barangay Kagawad Severino Piamonte , siya mismo ang magpapatunay na walang sakit ang mga manok dahil una rito ay nakapagluto pa sila at nakakain nito. Nasa 52 Barangay din ng Nagcarlan ay nabigyan ng mga manok. Lumilitaw aniya na may inaayos na linya ng kuryente sa kalapit na bayan kaya hinihinala nilang naputol ang suplay ng kuryente sa bahagi ng Barangay Maravilla ng nasabing bayan.
Sa panayam kay Municipal Livestock Joel Coronado, sinabi nito na hindi kinaya ng blower ng aircon ang sobrang init ng panahon sa pagitan ng alas 11:00-12:00 ng tanghali kahapon na siyang dahilan upang kulangin sa hangin ang loob ng poultry.
Samantala, hindi naman nagpa-unlak ng panayam ang may ari ng poultry pero ang problema aniya nila ngayon ay kung saan ililibing ang namatay na mga manok.
Louis John Renon/ Camille Belmes