Libo – libong sako ng asukal,nasabat ng BOC sa isang warehouse sa Pampanga
Sa gitna ng sinasabing kakulangan sa suplay ng asukal sa bansa , libo libong sako ng asukal ang nakita ng mga tauhan ng Bureau of Customs na nakatago sa magkahiwalay na warehouse sa Pampanga at Bulacan.
Kasama din sa joint operation ang mga operatiba mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Trade and Industry (DTI), Sugar Regulatory Administration (SRA), at Department of Agriculture (DA)
Una nilang pinuntahan ang warehouse sa Lison Building kung saan naroon din ang New Public Market sa Barangay Del Pilar sa San Fernando City kung saan nakita ang sako sako ng asukal na imported umano mula sa Thailand.
Maliban sa asukal, sako sako rin ng iba pang imported na produkto gaya ng corn starch mula China, harina, plastic products, mantila na nasa plastic barrel, motorcycle parts at iba’t ibang brand ng gulong, helmet, LED Televisions sets at pintura.
Photo Courtesy : BOC
Naabutan naman ng team si Jimmy Ng na isang Filipino Chinese at tumatayo umanong warehouse keeper.
Binigyan ng 15 araw ang may ari ng warehouse para makapagprisinta ng mga dokumento upang patunayan na legal ang importasyon ng mga nasabing produkto.
Sunod naman nilang pinuntahan ang isa pang warehouse sa San Jose del Monte Bulacan.
Ang sinasabing may-ari nito na si Victor Teng Chua inimbitahan sa istasyon ng pulisya para sa karagdagang tanong ng mga awtoridad matapos mabugong magpakita ng permit mula sa SRA.
Inaalam narin ng mga awtoridad ang posibilidad na sangkot ito sa large scale hoarding ng asukal.
Agad namang kinumpiska ng BOC ang mga nakitang sako sako ng asukal kasama na ang mga naisakay na sa loob ng mga delivery van na kanilang naabutan.
Ayon sa BOC aabot sa 44 na libong sako ng asukal ang kanilang nakumpiska na nagkakahalaga ng 220 milyong piso.
Kung mapapatunayang smuggled, mahaharap ang may ari nito sa kasong smuggling sa ilalim ng Customs Modernization Act (CMTA).
Ang hakbang ng BOC Salig na rin ito sa kautusan mula kay Executive Secretary Victor Rodriguez sa direktiba na rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gamitin ang visitorial powers nito sa mga customs bonded warehouse at tignan ang imbentaryo nila ng imported agricultural products.
Ito ay para makita rin kung mayroong nagho hoard ng asukal.
Madelyn Villar – Moratillo