Libreng legal assistance sa bansa, palalakasin at palalawakin pa ng SC
Inilatag ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang mga proyekto ng Korte Suprema para mas mapalakas, mapalawig at mas maging efficient ang legal aid service sa bansa.
Sa kanyang talumpati sa 2nd Philippine Pro Bono Summit, sinabi ni Gesmundo na parte ng kanyang panukalang 2021-2026 strategic plan sa hudikatura ang legal aid service initiatives upang makamit ang hangad nito na equal access to justice real time.
Una rito ay ang pagpapalakas sa clinical legal education program (CLEP) ng law schools at ang pag-revitalize sa IBP Legal Aid Program.
Bukod sa mga ito, inihayag ni Gesmundo na balak ng Supreme Court na magsagawa ng National Summit on Legal Aid para lalong mapabatid sa publiko ang available na legal aid services na inaalok ng legal community.
Kaugnay nito ay ang paglikha ng database ng free legal aid providers sa website ng SC at iba pang artificial intelligence (AI) platforms ng hudikatura.
Pinag-aaralan din aniya ng SC ang panukala ni Justice Alfredo Benjamin Caguioa sa pagkuha ng resources at karanasan ng law firms at seasoned practitioners upang makapagbigay ng tunay at epektibong legal aid sa mga mahihirap na litigants.
Umaasa ang punong mahistrado na sa pamamagitan ng mga proyekto ay mapagbuti at mapaigting ang legal aid service sa bansa.
Moira Encina