Libreng mass testing at pagpapalakas sa information campaign, iginiit ng isang Senador
Libreng mass testing sa bawat komunidad ang nakikitang solusyon ni Senador Nancy Binay para tuluyang bumaba ang kaso ng COVID- 19 lalo na sa Metro manila.
Ayon sa Senador, mas maraming residente ang nahahawa at nagkakaroon ng COVID- 19 pero hindi na idinideklara dahil sa mahal na gastusin sa swab test.
Inihalimbawa ng Senador ang tatlo sa miyembro ng isang pamilya na nagpositibo na asymptomatic sa virus pero hindi na nagpasuri o ipinaalam sa mga Barangay Health Emergency Response Teams sa takot na magbayad at gumastos.
Kung susumahin aniya aabot sa hanggang sampung libo ang gastos pa lang sa pcr test kaya mas nais ng iba na itago na lang ang karamdaman dahilan kaya mabilis na kumakalat ang virus sa pamilya ng mga biktima.
Sinabi pa ng Senador na kailangang paigtingin pa ang information campaign at paglalabas ng mga video kung paano ang step by step na paraan paano makaiwas, saan magrereport kapag nahawa at gagamutin ang virus sakaling mahawa.
Marami kasi aniya sa mga filipino hindi alam ang dapat gawin kapag inubo o sumakit ang lalamunan na ilan lamang sa sintomas ng virus.
Statement of Senator Nancy Binay
“Ngayon ganun pa rin ang kakulangan, ang pagkakaroon ng free—kasi ayaw nila sabihin na mass testing hindi naman daw kaya lahat—but ang sa akin, more free testing para sa ating mga kababayan kasi paano natin maka-capture ang may Covid, lalong lalo na ang asymptomatic, kung hindi natin dadagdagan ang libreng pag-swab. Dahil hindi biro ang gastos. Kasi isipin mo na lang kung sa isang pamilya may isang nag-positive doon, eh kung may 3 kang kasama. ‘Di ba at 3 family members, let’s say 3,000, nasa 9,000 na ang gagastusin mo para lang sa swab, para lang malaman kung nahawa. And then, kasi parang hindi rin naturuan ang ating mga kababayan kung ano ba ang new normal. Kaya nga paulit-ulit kong sinasabi baka kailangan maglabas tayo ng manual, maglabas tayo ng video na ito na ang bagong buhay natin, ito na ‘yung how we will survive na kasama na natin ang Covid sa pang-araw-araw na gawain. Parang may kakulangan.
Meanne Corvera