Libreng microchipping sa mga alagang hayop, inilunsad sa Pasig City
Aabot sa 60 alagang hayop sa Pasig City ang kinabitan ng microchip ng City Veterinary Department sa paglulunsad ng Pet Identification Program sa lungsod.
Ang microchip identification ay libreng serbisyo para sa fur parents at pet lovers sa Pasig City na naglalayong isulong ang responsableng pet ownership at matamo ang rabies-free na lungsod.
Ibinabaon sa balat ng hayop ang microchip na kasing laki ng butil ng bigas.
Ito ay RFID tag na may serial number na magsisilbing identity ng mga fur baby.
Naglalaman din ang microchip ng impormasyon ng mga pet owner.
Kaya kapag ito ay ini-scan, parehong matutukoy ang identity ng hayop at ang may-ari nito
Dahil dito, hindi na mag-aalala ang pet parents sakaling mawala ang kanilang mga alaga na itinuturing na ring pamilya.
Maliban kay bantay o sa mga alagang aso, puwede ring kabitan ng microchip ang mga alagang pusa at ibon.
Tiniyak ni City Veterinary Department Head Dr. Emma Sanchez na ligtas ang microchip at alinsunod sa mandatory animal registration.
Target aniya ng City Veterinary Department na masimulan na sa susunod na linggo ang roll-out ng proyekto sa kada barangay na isasabay sa pagtuturok ng bakuna kontra rabies.
Bukod sa pet recovery, makatutulong ang proyekto sa rabies control at pag-track sa rabies vaccination program ng Pasig.
Limang milyong piso ang inilaan ng Pasig LGU para sa microchipping project ngayong taon.
Moira Encina