Libreng sakay sa ilalim ng Service Contracting program, aarangkada na bukas, Abril 11
Inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na sisimulan na bukas, Lunes, Abril 11, 2022 ang Service Contracting program kabilang ang Libreng Sakay.
Ayon sa LTFRB, sa mga lalahok ay makatatanggap ang mga Public Utility Vehicle operator at driver ng one-rime payout at lingguhang bayad batay sa bilang ng kilometrong itatakbo kada linggo ng kanilang sasakyan, may pasahero man o wala.
Pero ayon kay LTFRB Executive Director Kristina Cassion, hindi pa lahat ng ruta ay madaraanan dahil may ilan pang operators ang kinukumpleto pa ang kanilang requirements.
Kabilang ang ruta ng Edsa bus carousel sa mga unang ruta na papasadahan bukas.
Pero sa mga susunod na araw ay bubuksan na rin ng LTFRB ang North Luzon Expressway (NLEX) patungong Metro Manila para sa nasabing programa.
Tatakbo ang service contracting program ng 45 hanggang 60 na araw depende sa rehiyon.