Libreng tuition sa SUCs hindi dapat mapunta sa mga mayayaman at bulakbol na estudyante – Sen. Lacson
Hindi naman pahihintulutan na makinabang sa ipatutupad na libreng tuition sa mga State Universities and Colleges ang mga mayayaman at mga bulakbol.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, tututukan nila ang implementasyon ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act at ang ilalabas na Implementing Rules and Regulations ng Commission on Higher Education.
Giit ng Senador, hindi lahat ng nag-aaral sa state SUC’s ,Local Universities and Colleges at Vocational-Technical Schools ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA ay malilibre sa pagbabayad ng tuition dahil sasalain ang dapat makikinabang sa batas.
Ayon pa kay Lacson, hindi dapat masakop ng libreng tuition maging ang mga mayayaman na nag-aaral sa SUC’s tulad ng University of the Philippines dahil kaya namang gastusan ng kanilang magulang ang pag-aaral ng mga ito.