Libu-libong pamilya na mapapaalis sa Manila Bay, tiniyak na bibigyan ng malilipatan
Aabot umano sa 2,000 pamilya na nakatira sa Manila Bay partikular sa Isla Puting Bato ang apektado sa isasagawang rehabilitasyon ng pamahalaan.
Kaugnay nyan ipagkakaloob naman ng Philippine Ports Authority ang limang ektarya ng kanilang lupa sa Tondo, Maynila para malipatan ng mga apektadong pamilya.
Sa pagdinig ng Oversight Committee on Housing na ipinatawag ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, napag-alamang karamihan sa mga residente sa Isla Puting Bato ay nakatira sa lupang pagmamay-ari ng PPA.
Kaugnay nito’y, tiniyak ng ahensya na kalapit na lugar sa Tondo lamang ang paglilipatan sa mga ito.
Ayon pa kay PPA General Manager Jay Daniel Santiago, naglaan rin sila ng isang milyong piso para sa social preparation ng mga residente bago ang paglilipat sa mga ito.
Ipinatawag ni SGMA ang oversight hearing ng House Committee on Housing and Urban Development, para usisain kung bakit hindi pa nai-aaward ng National Housing Authority sa mga residente sa Parola, Tondo ang parcel ng lupa na inisyu pa nito sa pamamagitan ng proklamasyon 15 taon na ang nakalilipas.
Ulat ni Madz Villar