Libu-libong pulis , ipakakalat ng MPD para sa inagurasyon ni PBBM
Libo libong pulis ang ipapakalat ng Manila Police District para sa inagurasyon ni President elect Bongbong Marcos.
Ayon kay MPD Chief General Leo Francisco, ngayon palang ay puspusan na ang kanilang mga meeting at koordinasyon para masiguro ang kaligtasan ni PBBM at mga dadalo sa inagurasyon.
May 4,000 pulis aniya ang MPD para sa aktibidad pero kung kukulangin ay handa naman aniyang magpadala ang National Capital Region Police Office o Kampo krame ng karagdagang pwersa.
Bagamat maraming maliit na kalsada ang nakapalibot sa National Museum hindi naman daw ito magiging problema dahil ngayon palang ay sinusuyod nila ang bawat sulok ng lugar at mga nakapaligid rito.
Ayon kay Francisco, maging ang mga nakaraang inagurasyon ng mga dating Presidente ay nirereview rin niya para makita ang mga dapat pang idagdag sa kanilang security plan.
Isa rin sa pinaghahandaan ng MPD ay kung may mga magsasagawa ng kilos protesta sa araw ng inagurasyon.
Samantala, ngayong araw nagpunta sa National Museum ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways para sa ilang plano na ilalatag.
Madelyn Villar – Moratillo