Libu-libong trabaho sa tourism industry sa Thailand, iaalok sa Pinoy workers –DOT
Libu-libong trabaho sa hospitality industry sa Thailand ang naghihintay sa Pinoy tourism workers.
Isa ito sa mga napagkasunduan sa bilateral meeting sa pagitan ng Department of Tourism (DOT) ng Pilipinas at Thailand Ministry of Tourism and Sports (MOTS) na idinaos sa sidelines ng 11th Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Tourism Ministerial Meeting (TMM).
Sa pagpupulong ng dalawang bansa, sinabi ng Thailand na may shortage sa workforce sa industriya ng turismo sa Thailand kasunod ng pag-alis sa travel restrictions at pagbabalik ng tourism activities.
Tinatayang 60% ang vacancies sa iba’t ibang hotel personnel hanggang sa middle manager positions sa Thailand.
Kaugnay nito, inihayag din ni Tourism Secretary Christina Frasco na magsasagawa ang DOT at
Department of Labor and Employment (DOLE) ng joint job fairs sa tourism industry dahil sa kakulangan sa mga manggagawa sa turismo.
Isinasaayos na aniya ng DOT at DOLE ang tourism job fair program na “Trabaho Turismo Asenso!” katuwang ang LGUs at incoming Thai counterparts.
Target ito na isagawa sa Setyembre 22 hanggang 24.
Inimbitahan ng kalihim ang Thailand para lumahok sa job fairs para sa mga Pilipino na nais na magtrabaho sa Thailand hotel and restaurant industry.
Aniya, tinanggap naman ng Thailand Ministry of Tourism and Sports ang imbitasyon mula sa DOT.
Ayon pa kay Frasco, nagsasagawa na rin ang regional offices ng DOT ng surveys sa available job vacancies, position titles, at iba pang job posting information sa bawat rehiyon para sa karagdagang local work opportunities.
Moira Encina