Libu-libong tutol sa Sogie Bill nagprotesta sa Senado
Sumugod sa Senado ang may 3,000 miyembro ng Christian Coalition for Righteousness Justice and Truth para harangin ang pagpapatibay sa Sexual Orientation Gender Equality o Sogie bill.
Ayon sa grupo iginagalang nila ang karapatan ng mga nasa LGBT community pero hindi na kailangang magpasa ng batas para dito.
Malinaw anila sa Biblia na lalaki at babae lang ang nilikha ng Diyos at wala nang dapat maging debate hinggil dito.
Ang Sogie bill ay naglalaman din anila ng mga probisyon na magbabaligtad sa mga prinsipyong legal na bahagi ng Saligang Batas.
Ayon pa sa grupo, wawasakin din anila nito ang pamilya na pinaka- mahalagang haligi ng lipunan.
Ang Sogie bill ay kasalukuyang tinatalakay sa committee level ng Senado.
Pero naniniwala ang mga Senador na hindi lulusot ang panukala sa Senado.
Paliwanag naman ni Senate President Vicente Sotto III, hindi na kailangan ang hiwalay na batas para protektahan ang karapatan ng isang indibidwal.
Sa bilang ni Sotto lagpas pa sa mayorya o mahigit 15 Senador na ang pabor pabor na maibasura ang Sogie bill.
Ulat ni Meanne Corvera