Lider ng Hamas sinabing malapit nang magkaroon ng truce deal sa Israel-Hamas war
Sinabi ng Hamas leader na si Ismail Haniyeh, na ang militant movement ay malapit nang makabuo ng isang truce agreement sa Israel, ayon sa isang pahayag na naipost sa Telegram.
Batay sa post, sinabi ni Haniyeh, “We are close to reaching a deal on a truce.”
Sinisikap ng mga negosyador na maselyuhan na ang isang kasunduan upang payagan ang pagpapalaya sa humigit-kumulang 240 hostages na karamihan ay Israeli na binihag noong Oktubre 7, sa itinuturing na ‘deadliest assault’ sa kasaysayan ng Israel.
Pinatay din ng Hamas fighters ang humigit-kumulang 1,200 katao sa kanilang cross-border assault, na karamihan ay mga sibilyan.
Naglunsad naman ang Israel ng walang-humpay na pambobomba at ground offensive bilang ganti sa nangyaring pag-atake, at nangakong wawasakin ang Hamas at palalayain ang mga bihag.
Ayon sa gobyerno ng Hamas sa Gaza, ang giyera ay ikinasawi na ng mahigit sa 13,300 katao, na libu-libo rito ay mga bata.
Nagpapatuloy naman ang maigting na negosasyon na pinamamagitanan ng Qatar, kung saan may isang political office ang Hamas at kung saan din nakabase si Haniyeh.
Sinabi ng prime minister ng Qatar, na ang isang kasunduan upang palayain ang hostages kapalit ng isang pansamantalang tigil-putukan, ay nakasalalay sa ‘minor’ practical issues.
Nitong Lunes, sinabi ni US President Joe Biden na naniniwala siyang malapit nang makabuo ng isang kasunduan para sa pagpapalaya sa hostages.
Sinabi ng dalawang sources na pamilyar sa negosasyon, na kabilang sa ‘tentaive deal’ ang isang five-day truce na kinapapalooban ng ground ceasefire at limitasyon sa air operations ng Israel sa southern Gaza.
Kapalit nito, nasa pagitan ng 50 at 100 bilanggo na hawak ng Hamas at Islamic Jihad, isang bukod na Palestinian militant group, ang palalayain.
Kabibilangan ito ng Israeli civilians at mga bihag na ibang nasyonalidad, ngunit hindi kasama ang tauhan ng militar.
Sa ilalim ng panukalang kasunduan, nasa 300 Palestinians naman ang palalayain mula sa mga bilangguan sa Israel, kabilang ang mga babae at bata.