Liderato ng Kamara , nagpaabot ng pakikiramay sa pagkamatay ni dating Pangulong Fidel V. Ramos
Nagpahayag ng kalungkutan at pakikiramay si House Speaker Martin Romualdez sa pagpanaw ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Si Ramos ay Chairman Emeritus ng partidong pinamumunuan ni Romualdez na Lakas-CMD.
Itinuturing din ni Romualdez si dating Pangulong Ramos bilang kaibigan, economic strategist at peacemaker sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Para kay Romualdez nawalan ang bansa ng isang magaling na leader na naging sandigan ng bansa sa panahon ng Asian financial crisis noong dekada 90.
Ayon kay Romualdez ang karanasan ni Ramos bilang military general at maging ang kanyang economic policy sa panahon ng krisis ang nagdala sa bansa kaya nakatawid sa problema na kinaharap ng mga bansa sa Asya.
Samantala bilang pakikiramay sa pagkamatay ng dating Pangulo ipinag-utos na ni Speaker Romualdez ang paglalagay sa half mast ng watawat ng Pilipinas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Vic Somintac