Liderato ng Kamara nangakong papaspasan ang pagtalakay sa 2023 Proposed National budget
Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na aapurahin ng Kamara ang pagtalakay at pagpapatibay sa 2023 Proposed National Budget na nagkakahalaga ng 5.628 trilyong piso.
Sinabi ni Romualdez na mayroon na siyang kautusan sa House Committee on Appropriations na pinamumunuan ni Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co na sa sandaling maisumite ng Malakanyang sa Kongreso ang panukalang pambansang pondo ay agad na magsasagawa ng mga committee hearing upang busisiin ang budget proposal ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ayon kay Romualdez, nagsabi na ang Malakanyang na sa August 22 ay isusumite na sa Kongreso ang panukalang pambansang budget.
Nangako si Romualdez na bago matapos ang December ay mapipirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang General Appropriations Act o GAA upang hindi magkaroon ng re-enacted budget ang pamahalaan.
Vic Somintac