Liderato ng PNP, pinakikilos ni Rep. Biazon para mag-inspeksyon sa lahat ng istasyon ng pulis sa buong bansa
Pinakikilos ni Muntinlupa Cong. Ruffy Biazon ang liderato ng Philippine National Police para magsagawa ng masusing inspeksiyon sa lahat ng istasyon at mga pasilidad ng pulisya sa ibat ibang panig ng bansa.
Ito ay para matukoy kung may iba pang sikretong kulungan sa mga istasyon ng pulisya katulad ng natuklasan sa Station 1 ng Manila Police District.
Binigyang diin ni Biazon na hindi dapat kinukunsinte ng liderato ng PNP ang ganitong iligal na gawain ng kanilang tauhan, lalo na at lantaran itong paglabag sa karapatang pantao.
Dapat tiyakin niPNP Chief Ronald bato dela Rosa na may makakatikim ng disiplina sa mga nasa likod ng sikretong kulungan saMPD Station 1 at iba pang police station.
Samantala, hinimok naman ni Siquijor Cong. Rav Rocamora ang Department of Justice na manghimasok sa isyung ito at magkaroon ng sariling imbestigasyon.
Ayon kay Rocamora, ang operasyon ng sikretong kulungan ay anino pa ng batas militar na hindi na dapat nagpapatuloy sa kasalukuyan.
Hinamon pa ng mambabatas si dela Rosa na maging agresibo sa pagpaparusa sa mga tauhang lumalabag sa batas sa halip na ipagtanggol pa ang mga ito.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo