Liga ng Transportasyon at Operators Philippines itinanggi na kasama sa ikinakasang nationwide transport sa Lunes
Mariing pinabulaanan ng grupong Liga ng Transportasyon at Operators Philippines o LTOP na kasama sila sa ikinakasang nationwide transport strike sa Lunes October 16 ng taong kasalukuyan.
Ito ang sinabi ni LTOP President Orlando Marquez matapos ihayag ni Manibela Chairman Mar Valvuena na kasali ang lahat ng transport groups sa isasagawang tigil pasada para iprotesta ang umano’y talamak na anomalya ng lagayan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.
Ayon sa LTOP na binubuo ng Federation of Jeepney Operators Association of the Philippines o FEJODAP, Pinag-isang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide o PISTON at Stop and Go Transport hindi sagot ang tigil pasada ngayon dahil lamang sa akusasyon ng korapsiyon sa LTFRB sapagkat kailangan munang malaman ang buong katotohanan sa isinasagawang imbestigasyon matapos suspendihin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si LTFRB Chairman Teofilo Guadiz Jr.
Si Guadiz ay inaakusahan ng nagpakilalang staff ng kanyang tanggapan na si Jeffrey Tumbago ng umano’y katiwalian dahil sa sinasabing suhulan sa pagkuha ng franchise, additional routes at special permits.
Vic Somintac