Ligalidad ng BBL, maaaring kuwestyunin sa Korte Suprema
Welcome umano sa liderato ng Kamara ang anumang hakbang na kuwestyunin sa Korte Suprema ang legalidad ng Bangsamoro Basic law o BBL.
Sa botong 227 pabor, 11 tutol at 2 nag-abstain ay inaprubahan ng Kamara ang House bill 6745 o ang Bangsamoro Basic Law na bubuwag sa Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM at papalitan ito ng Autonomous Region of Bangsamoro o ARB.
Ayon kay House speaker Pantaleon Alvarez, walang makapipigil sa sinumang gustong iakyat sa Korte suprema ang usapin dahil karapatan nila na kuwestyuin ang isang batas kung ito ba ay nasasalig sa ating Konstitusyon.
Una rito, sinabi ni Albay Representative Edcel Lagman sa kaniyang explanation of negative vote sa BBL na ang pagbuwag sa ARMM sa pamamagitan ng ordinaryong legislation ay isang unconstitutional process.
Giit ni Lagman, sa ilalim ng 1987 Constitution ay kabilang ang ARMM sa mga Constitutional entity tulad ng Comelec, Coa, Civil Service Commission, Office of the Ombudsman at Commission on Human Rights kaya hindi ito maaaring basta na lang buwagin upang bigyang daan ang BBL.
Wala raw magagawa ang liderato ng Kamara kundi tangapin ang desisyon dahil ang Kataas-taasang Hukuman.
Naniniwala naman si Akbayan Partylist Representative Tom Villarin na sakaling humantong s aganito ang sitwasyon ay tiyak na ipupursige ng Duterte administration ang feredalismo na sa una pa lang ay agenda na ng gobyerno.
Aniya, lilitaw na nais lang ng administrasyon na may mai-report ang Pangulong Duterte sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address o SONA kaya inihabol ang pagpasa ng BBL.
Malinaw din aniya na hindi seryoso ang adinistrasyon na bigyan ng katapusan ang inhustisya at kahirapan na deka-dekada ng nararanasan ng ating mga kababayang Moro.
Gayunman, masyado pa aniyang maaga upang kuwestyunin sa Korte Suprema ang BBL dahil hindi pa naman ito tapos at isasalang pa sa Bicam bago palagdaan kay Pangulong Duterte.
Ulat ni Eden Santos