Lima katao, patay sa insidente ng pamamaril sa isang siyudad sa Ecuador na nakararanas ng drug violence
Lima katao ang napatay ng mga lalaking armado ng baril hanag walong iba pa ang nasugatan, sa isang bahay sa siyudad ng Guayaquil sa Ecuador na labis ngayong apektado ng mga karahasang may kaugnayan sa drug trafficking.
Isa sa mga nasawi ay isang pulis na binaril sa ulo, ayon kay police colonel Fabary Montalvo.
Sinabi ni Montalvo, na ayon sa mga nakasaksi ay tatlong lalaking sakay ng isang motorsiklo ang dumating sa isang bahay, sa nagdarahop na Isla Trinitaria na bahagi ng siyudad, pumasok sa loob at nagsimulang mamaril.
Ang Guayaquil, na nasa southern coast ng Ecuador, ay ang pinakamalaking siyudad, pinakamalaking pantalan at economic hub ng bansa.
Sa nakalipas na mga taon, ito ay naging isa sa lubhang madugong sentro ng turf war sa pagitan ng magkaribal na mga gang ng drug trafficking.
Dahil sa lokasyon ng port city kaya naging isa itong strategic launch point para sa pagpapadala ng mga droga sa United States at Europe.
Ang Ecuador ay nasa pagitan ng Colombia at Peru, ang mga pangunahing producer ng cocaine sa mundo. US dollar din ang currency na ginagamit ng Ecuador, na mas nakaaakit sa mga cartel kumpara sa iba pang currency na mas mababa ang halaga.
Ang krimen na nauugnay sa droga ay tumaas sa Guayaquil, kung saan ang homicide rate ay halos dumoble sa pagitan ng 2021 at 2022, mula 14 hanggang 25 sa bawat 100,000 residente.
Noong Abril, hindi bababa sa 10 katao ang namatay nang magpaputok ang mga armadong salarin sa labas ng isang tindahan sa Guayaquil. Ang port city ay may hanggang 2.7 milyong tao, kumpara sa Quito, ang kabisera ng Ecuador, na may dalawang milyon.
At noong nakaraang linggo, sa kalapit na bayan ng Duran ay binaril at napatay ang isang prosecutor na humahawak ng mga kaso ng homicide.
Noong isang taon, ang mga awtoridad sa Ecuador ay nakakumpiska ng 200 tonelada ng droga, na karamihan ay cocaine.