Lima pa sa bagong UK variant case sa bansa, natukoy na ng DOH
Natukoy na ng Department of Health (DOH) ang lima pa sa mga bagong UK variant case sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, ang isa rito ay 20- anyos na babae mula sa Mt. Province.
Nagpositibo siya sa National Capital Region noong Enero 12 matapos sumailalim sa Covid-19 test bago umalis ng bansa.
Pero batay sa beripikasyon ng DOH, umuwi sa Mt. Province ang nasabing pasyente kung saan ito naka-isolate ngayon.
Ang isa naman ay isang 46-anyos na babae mula sa Pasay city.
Ang pasyente ay konektado sa MRT cluster dahil sa ang anak nito ay nagtatrabaho sa Metro Rail Transit.
Nagpositibo ito sa virus noong Enero 25 at kasalukuyang naka-home quarantine.
Ang isa naman ay isang 37-anyos na lalaki na ang inisyal na address ay sa Bukidnon.
Pero batay sa imbestigasyon ng DOH, lumilitaw na bago nagkasakit ay matagal nanatili sa Metro Manila ang pasyente bilang bahagi ng kanyang training.
Natukoy na nagpositibo ito sa virus noong Enero 25 at naka isolate na.
Ang isa naman ay isang 25-anyos na babae na ang reported address ay sa Dasmariñas, Cavite.
Nagpositibo ito noong Enero 31 at naka-isolate na sa isang pasilidad sa Region 3.
Ang isa naman ay 47-anyos na babae na isang returning overseas Filipino mula sa Morocco at ang reported address dito sa Pilipinas ay sa Las Piñas na dumating siya sa bansa noong Enero 12.
Pagdating sa bansa nagpositibo ito sa swab test kaya sumailalim siya sa isolation.
Pero matapos ang 10 araw, isinailalim ulit ito sa swab test at nagpositibo pa rin kaya pinayuhan siyang ipagpatuloy ang isolation sa bahay.
Sa ngayon, isa na lang sa 19 na bagong kaso ng UK variant ang patuloy pang bineberipika ng DOH.
Ang pasyente ay isang 49 anyos na lalaki na taga Rizal at inaalam pa ng DOH kung ang nasabing pasyente ay isang returning OFW.
Madz Moratillo