Lima patay sa pagsabog ng car bomb sa isang cafe sa Mogadishu sa panahon ng Euro 2024 final
Lima ang namatay matapos pasabugin ng hinihinalang Al-Qaeda linked Al-Shabaab jihadist group ang isang car bomb sa labas ng isang cafe sa Mogadishu, kapitolyo ng Somalia, na puno ng mga taong nanonood ng Euro 2024 final.
Sa ulat ng Somali National News Agency (SONNA), “A car bomb detonated tonight outside Top Coffee Restaurant placed by Kharijite terrorists.”
Banggit si police spokesman Major Abdifitah Aden Hassan, sinabi ng SONNA, “Preliminary police reports confirm five fatalities and around 20 injuries.”
Ito ang rin ang iniulat ng Somali National Television tungkol sa pambobomba, na nangyari habang nanonood ang mga kabataang lalaki sa laban sa pagitan ng Spain at England.
Kinordon naman ng pulisya ang lugar, na malapit sa presidential palace compound na kilala bilang Villa Somalia na abalang-abala nang mangyari ang pambobomba.
Mahigit 17 taon nang nagsasagawa ng insurhensiya ang Al-Shabaab laban sa federal government at nagsagawa na ng maraming mga pambobomba sa Mogadishu at iba pang bahagi ng bansa.
Nitong nagdaang mga buwan ay nabawasan ang mga pag-atake matapos paigtingin ng gobyerno ang mga opensiba laban sa Islamist militants.
Subalit noong Sabado, limang bilanggo na sinasabing Al-Shabaab fighters ang napatay sa pakikipagbarilan sa mga guwardiya sa isang attempted jail break mula sa main prison sa Mogadishu.
Patay din ang tatlong guwardiya at 18 iba pa ang nasugatan sa komprontasyon, ayon sa prison officials, makaraang magawa ng mga bilanggo na makakuha ng mga armas.
Nagbanta ng “all-out war” si Somali President Hassan Sheikh Mohamud laban sa jihadist, at ang tropa ng pamahalaan ay nakipagsanib-puwersa sa local clan militias sa isang military campaign na suportado ng isang African Union (AU) force at US air strikes.
Subalit dumanas ng ‘setbacks’ ang opensiba, kung saan sa mga unang bahagi ng taong ito ay inangkin ng Al-Shabaab na nakubkob nila ang maraming lokasyon sa sentro ng bansa.
Bagama’t naitaboy ng AU forces palabas ng kapitolyo noong 2011, namalagi ang malakas na presensiya ng Al-Shabaab sa rural Somalia.
Nagsagawa ito ng paulit-ulit na mga pag-atake laban sa political, security at civilian targets, na ang marami ay sa Somalia gayundin sa katabing mga bansa gaya ng Kenya.
Noong isang buwan, nanawagan ang Somalia sa African Union na unti-untiin ang planong withdrawal ng kanilang puwersa mula sa Somalia.
May UN resolutions kasi na nananawagan para tuluyan nang umalis ng mga sundalo sa AU peacekeeping mission, na kilala sa tawag na ATMIS, pagdating ng December 31 at ang seguridad ay ililipat na sa Somali army at pulisya.
Ang ikatlo at panghuling bahagi ay ang pag-alis ng 4,000 mga sundalo mula sa kabuuang 13,500 ATMIS troops sa katapusan ng June.
Subalit kasunod ng kahilingan ng gobyerno ng Somalia na dalawang libong mga sundalo lamang ang aalis noong June at ang natitirang dalawang libo ay sa Setyembre, sinabi ng AU Peace and Security Council na lubos nitong sinusuportahan ang isang “phased approach” sa drawdown.