Limang ahensiya ng pamahalaan na binanggit ni Pangulong Duterte sa SONA na pangit ang serbisyo pinuntahan na ng PACC
Pinuntahan na ng Presidential Anti- Corruption Commission o PACC ang limang ahensiya na binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang SONA na napakabagal ng ginagawang pagseserbisyo sa publiko.
Ito ay ang LTO, Land Registration Authority, SSS, BIR at PAG-IBIG.
Ayon kay PACC Commissioner Greco Belgica personal niyang ininspeksiyon at inalam ang binanggit ng Pangulo patungkol sa makupad na paghahatid ng serbisyo ng mga nabanggit na ahensiya na pawang nasa top 5 list na inireklamo sa 8888 hotline ng Malakanyang.
Sinabi ni Belgica na kinausap ang mga tao at inalam ang kanilang sitwasyon sa pakikipag-transaksyon sa mga nabanggit na ahensiya.
Inihayag ni Belgica magtatakda sila ng dialogue sa pamunuan ng nasabing mga ahensiya at pag-uusapan ang mga reklamong ipinarating sa 8888 hotline para mapapabilis ang kani-kanilang sistema.
Tiniyak ni Belgica na personal niyang iuulat kay Pangulong Duterte ang mga nakita niyang problema.
Ulat ni Vic Somintac