Limang boya na magsisilbing sovereign markers matagumpay na nailagay ng PCG sa West PH Sea
Matagumpay at makasaysayan na nailagay ng Philippine Coast Guard ang limang boya sa West Phillippine Sea.
Ang tatlong araw na buoy laying operations ang kauna-unahang pagkakataon na naisagawa ito ng PCG.
Partikular na inilaglag ang mga boya sa mga isla ng Lawak, Likas, Parola, at Pag-asa.
Ayon sa PCG, ang mga boya ay magsisilbing sovereign markers ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Gagabay din ito sa mga mangingisda at iba pang vessels sa lugar.
Nitong Miyerkules ng umaga ay dumaong na sa pantalan sa Maynila ang dalawa sa mga coast guard vessels na nanguna sa buoy laying, ang BRP Corregidor at BRP Bojeador.
Lulan nito ang mga coast guard personnel ng Task Force Kaligtasan sa Karagatan na bahagi ng misyon.
Ang tatlong iba pang PCG vessels na kasali sa operasyon na BRP Suluan, BRP Capones at BRP Habagat ay naka-base sa Palawan.
Naging mapayapa naman ang buoy laying at nagpakita ng respeto ang mga Vietnamese at Chinese vessels sa West Philippine Sea.
Pinarangalan at kinilala ng liderato ng PCG ang mga opisyal ng mga PCG vessels na nanguna sa paglalagay ng boya na karamihan ay mga kababaihan.
Ayon sa pamunuan ng PCG, maituturing na bayani ang mga tauhan ng coast guard dahil sa sinuong ng mga ito ang mga panganib at hamon sa karagatan para mailagay ang mga markers.
Plano ng PCG na maglagay pa ng mas maraming boya sa ibang parte ng exclusive economic zone ng bansa partikular sa WPS at Benham Rise.
Ang limang boya ay kasama sa 10 floating markers na binili ng PCG mula sa Spain.
Mayroon itomg remote monitoring system na gumagamit ng satellite technology para makapag- transmit ng data sa PCG National Headquarters sa Maynila.
Moira Encina