Limang libo katao nawawala pa rin, makaraang tumama ang grabeng baha sa Libya
Inaasahang tataas pa ang bilang ng mga nasawi sa Libya na dumanas ng matinding pagbaha sanhi ng bagyong Daniel.
Dalawang dam ang sumambulat noong Linggo ng hapon pagkatapos tumama ng bagyo, sanhi upang rumagasa ang tubig patungo sa lungsod, tangayin ang mga gusali at mga taong nasa loob nito.
Pagdating ng Martes, ang paunang bilang ng mga nasawi mula sa mga awtoridad ay hindi bababa sa 2,300.
Ayon naman sa emergency services, mahigit sa 5,000 katao ang nawawala pa rin at nasa 7,000 naman ang nasaktan.
Sinabi ni Tamer Ramadan ng International Federation of Red Cross at Red Crescent Societies, “The death toll is huge and might reach thousands.”
Tinukoy sa media reports ang isang tagapagsalita para sa interior ministry ng eastern government ng Libya, na nagsabing “mahigit sa 5,200” katao ang namatay sa Derna.
Ang lungsod, na 250 kilometro (150 milya) sa silangan ng Benghazi, ay napaliligiran ng mga burol at hinahati ng karaniwang tuyong ilog sa tag-araw, ngunit naging isang rumaragasang agos ng kulay-putik na tubig na tumangay din ng ilang pangunahing mga tulay.
Ang Derna ay tahanan ng nasa 100,000 katao at marami sa kanilang mga gusaling maraming palapag na nasa pampang ng ilog ang gumuho, kasama ng mga tao sa loob nito, ang mga bahay at mga sasakyan ay naglaho sa rumaragasang tubig.
Dahil sa pandaigdigang pangamba tungkol sa paglaganap ng sakuna, ilang bansa ang nag-alok ng agarang tulong at mga rescue team para tulungan ang bansang pininsala ng digmaan.
Sa iba pang lugar sa silangan ng Libya, sinabi ng aid group na Norwegian Refugee Council, “entire villages have been overwhelmed by the floods and the death toll continues to rise.”
Ayon pa sa grupo, “Communities across Libya have endured years of conflict, poverty and displacement. The latest disaster will exacerbate the situation for these people. Hospitals and shelters will be overstretched.”
Ang Libya na mayaman sa langis ay bumabawi pa lang mula sa mga taon ng digmaan at kaguluhan kasunod ng pag-aalsa noong 2011 na suportado ng NATO, na nagpabagsak at ikinasawi ng matagal nang diktador na si Moamer Kadhafi.
Ang bansa ay nahahati sa pagitan ng dalawang magkatunggaling pamahalaan — ang UN-brokered, at kinikilalang internasyonal na administrasyon na nakabase sa Tripoli, at isang hiwalay na administrasyon sa silangan na siyang tinamaan ng sakuna.
Ayon sa mga awtoridad, dumating na sa eastern Libya ang rescue teams mula sa Turkey. Ang United Nations at ilan pang mga bansa ay nag-alok din na magpadala ng tulong, kabilang dito ang Algeria, Egypt, France, Italy, Qatar at Tunisia.
Sinabi ng Paris, na ang France ay magpapadala ng isang field hospital at humigit-kumulang 50 military at civilian personnel na may kakayahang gamutin ang 500 katao bawat araw.