Limang opisyal ng ARTA, pinatawan ng suspensiyon
Ipinagutos ng Office of the Ombudsman ang pagsuspinde sa loob ng anim na buwan sa limang opisyal ng Anti-Red Tape Authority (ARTA).
Kinilala ang mga pinatawan ng preventive suspension na sina Jeremiah Belgica, Eduardo Bringas, Sheryl Sumagui, Jedrek Ng at Melamy Salvadora-Asperin.
Ito ay kaugnay sa mga kasong Grave Misconduct, Gross Neglect of Duty at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service na inihain laban sa lima.
Ayon sa kautusan ng Ombudsman, malakas ang ebidensya laban sa mga nasabing direktor at ang mga reklamo laban sa mga ito ay maaaring umabot sa pag-alis sa kanila sa serbisyo.
Ang kaso ay nag-ugat sa sinasabing maling pagpabor ng ARTA officials sa NOW Telecom Company, Inc. (NOW).
Matatandaan na napabalita noon ang NOW sa pagpili ng ikatlong telco dahil sa bigo itong maging bidder bunsod ng kulang-kulang na requirement.
Pero binigyan ng mga respondents ang NOW ng contingent frequencies noong Marso 2021 sa kanilang inisyung resolusyon at kautusan.
Ang mga frequency na pilit gustong ibigay ng mga opisyal sa NOW ay ang mga parehong frequency na nakalaan naman sa napiling third telco na DITO Telecommunity Inc.
Madelyn Moratillo