Limang PH universities, pinagkalooban ng US gov’t ng halos Php12-M research grant
Tumanggap ng halos Php12-M research at innovation grant mula sa gobyerno ng US ang limang unibersidad sa Pilipinas.
Ayon sa US Embassy, ang mga napili na gawaran ng USAID grant ay ang University of San Carlos, Don Mariano Marcos Memorial State University, University of the Philippines-Visayas, Mindanao State University-Iligan Institute of Technology, at Mariano Marcos State University.
Ang grant na tinatawag na WARP o “Widening Applications of Research within the Pandemic” ay makatutulong sa mga pamantasan na mapalago pa ang dati na ring USAID-funded research upang matugunan ang mga bagong hamon na dala ng pandemya.
Ang research proposal ng University of San Carlos ay ukol sa pagbuo ng bagong antiseptic patches para sa wound dressing at skin healing.
Ang grupo mula sa Don Mariano Marcos Memorial State University ay magsusuri naman sa properties ng high-value extracts mula sa ube at mais para sa posibleng paggamit sa ready-to-eat foods, at pamalit sa commercial food coloring.
Tutulong ang UP Visayas sa pagtatag ng tuna jerky product enterprise na magpapaunlad sa economic opportunities para sa mga lokal na mangingisda.
Iku-convert naman ng Mindanao State University-Iligan Institute of Technology ang waste mula sa coconut oil processing sa isang economically viable substitute sa imported chemicals na gagamitin sa pag-insulate sa foam production.
Ang team mula sa Mariano Marcos State University ay palalawigin ang village-scale ethanol production sa Ilocos region para magkaroon ng sustainable na suplay ng kinakailangang disinfectants ng publiko.
Moira Encina