Limang pulis inireklamo sa DOJ dahil sa pagkawala ng isang master agent sa e-sabong
Ipinagharap ng reklamong robbery with intimidation and by a band ng PNP-CIDG sa DOJ ang limang pulis na isinasangkot sa pagkawala ng isang sabungero sa San Pablo City, Laguna.
Ang reklamo ay nag-ugat sa pagnakaw sa mga gamit at pagkuha kay Ricardo Ricafort Lasco Jr. 44 anyos at master agent sa online sabong sa bahay nito sa Laguna noong August 30, 2021.
Kinilala ang mga kinasuhan na sina PSSG Daryl Paghangaan, Pat. Roy Navarete, PLt. Henry Sasaluya, PMSG. Michael Claveria, Pat. Rigel Brosas at ibang hindi pa tukoy na pulis mula sa CALABARZON.
Kasamang complainant at tumatayong witness sa kaso ang partner ni Lasco na si Princess Montañez.
Pinanumpaan ni Montañez at ng tatlong iba pang kamag-anak nito na testigo sa kaso ang inihain nilang reklamo.
Ayon kay Montañez, nasa 10 lalaki ang pumasok sa kanilang bahay noong August 30, 2021.
Bukod sa pagkuha sa kanyang partner ay ninakawan din raw sila ng mga gamit na nasa milyong piso ang halaga.
Moira Encina