Limang suspek sa iligal na pag-okupa sa protected area sa Antipolo City, sinampahan ng mga reklamo ng NBI sa DOJ
Nahaharap sa patung-patong na reklamo sa DOJ ang limang indibidwal na nahuli na iligal na umuokupa sa isang protected area sa Antipolo City, Rizal.
Kinilala ng NBI ang mga kinasuhan na sina Milanio Resureccion, Zernan Villafranca, Jojo Mallorca, Marwin Lleavanes, at Erwin Intela.
Mga reklamong paglabag sa RA 7586 o National Integrated Protected Areas Systems law at PD 705 o Forestry Reform Code of the Philippines ang inihain laban sa lima.
Naaresto ng NBI- Environmental Crime Division ang limang suspek sa entrapment operation sa Sitio San Ysiro, Brgy. San Jose, Antipolo City.
Nakita ng mga operatiba ng NBI at DENR na may nakatayong limang permanent structures sa Upper Marikina River Basin Protected Landscape na walang kaukulang clearancem
Inaresto ang mga suspek matapos na hindi nakapagkita ng anumang dokumento o titulo na may karapatan sila sa naturang lupain.
Una namang naaresto ang suspek na si Resureccion matapos tanggapin ang boodle money mula sa nagpanggap na buyers sa ibinibenta nitong porsyon ng lupa sa nabanggit na protected area.
Moira Encina