Limitadong pagbili ng basic goods, ipatutupad sa QC sa panahon ng ECQ upang maiwasan ang panic buying
Lilimitahan ng Quezon City government ang bilang ng mga pangunahing pagkain at pangangailangan na bibilhin ng mga residente sa panahon ng pag-iral ng Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila mula bukas August 6 hanggang 20.
Ito ay sa ilalim ng Ordinance no. SP-2984 S-2020 o Regulating and Selling of Basic Necessities during Calamities.
Nakasaad sa ordinansa na limitado lamang sa isang tao ang limang lata ng sardinas kada brand, habang 10 lata lamang ng corned beef, meat loaf bawat brand ang dapat bilhin kada customer.
Sa kabila nito, tiniyak ni Mayor Joy Belmonte na sapat ang suplay ng pagkain sa lungsod at mananatili ang mga essential delivery partikular ang mga pagkain sa panahon ng ECQ.
Maliban dito, ipatutupad din aniya sa lungsod ang quarantine pass sa bawat Barangay na isang tao kada pamilya lamang ang papayagang lumabas o bumili ng pangangailangan maliban na lamang kung APOR o essential worker.
Ipatutupad din sa mga palengke, supermarkets at iba pang essential business establishments ang 2 meters distance sa mga customer bilang pag-iingat.
Mahigpit ding ipatutupad sa mga establisimyento ang Kyusi Pass digital contact tracing method kaya inoobliga ang lahat ng mga establisimyento na magprovide ng QR code scanner alinsunod sa Kyusi Pass ordinance ng lungsod.
Samantala, papayagan naman ang lahat ng uri ng transportasyon ngunit kailangan ring ipatupad ng one-seat apart at isang pasahero lamang ang papayagan kada tricycle.