Limited face-to-face classes para sa 5 pang degree programs sa MGCQ areas, aprubado na
Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kahilingan ng Commission on Higher Education (CHED), para sa limitadong face-to-face classes para sa limang iba pang degree programs, sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine o MGCQ.
Sinabi ni CHED chairman Prospero de Vera, na kasama sa kahilingan ang sumusunod na mga kurso:
Engineering and Technology programs
Hospitality/Hotel and Restaurant Management
Tourism/Travel Management
Marine Engineering
Marine Transportation
Ayon kay De Vera, nagpapasalamat ang komisyon kay Pangulong Duterte sa pagpayag para sa limited face-to-face classes para sa nabanggit na mga programa, upang maging bahagi ng pagsisikap na mapalakas ang economic recovery ng bansa, dahil direkta itong makaaapekto sa human resource development.
Bago ito, mga estudyante lamang sa medisina at katulad na health sciences ang pinapayagang magkaroon ng in-person classes sa mga piling lugar na may mababang panganib ng Covid-19.
Dagdag pa ni De Vera, napili ang nasabing mga programa para sa limited in-person classes, dahil nangangailangan ito ng “hands-on” experience.