Lisensya ng accountant na umano’y sangkot sa mga korporasyon na nasa likod ng “ghost receipts,” ipinapabawi ng BIR sa PRC
Sinampahan ng reklamo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Professional Regulation Commission (PRC) ang isang certified public accountant (CPA) na sinasabing sangkot sa mga korporasyon na nagbebenta ng pekeng resibo.
Sa reklamo ng BIR, hiniling nito na ipawalang-bisa ng PRC ang lisensya ng accountant na kinilalang si Jennifer Roncesvalles.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., si Roncesvalles ay kasabwat ng sindikato o mga kumpanya na nasa likod ng “ghost receipts.”
Kaugnay ito sa mahigit P25 billion tax evasion complaint na inihain ng BIR sa DOJ noong nakaraang linggo laban sa apat na korporasyon na gumagawa at nagbebenta ng mga pekeng resibo.
Binalaan ng opisyal ang iba pang accountant na dawit sa mga katulad na kalakaran na hindi magdadalawang-isip ang BIR na kasuhan din ang mga ito.
Tinataya ng BIR na daan-daan bilyong pisong buwis ang nawawala sa gobyerno dahil sa fake receipts.
Moira Encina