Listahan ng local testing centers para sa 2024 Bar Exams, inilabas na ng Korte Suprema
Kabuuang 13 local testing centers (LTCs) sa bansa ang pagsasagawaan ng 2024 Bar Examinations sa Setyembre.
Sa bar bulletin na inisyu ni 2024 Bar Exams Chairperson Mario Lopez, anim sa LTCs ay sa Metro Manila, dalawa sa Luzon, tatlo sa Visayas, at dalawa sa Mindanao.
Kasama sa pagdarausan ng bar exams sa NCR ay ang UP Diliman, UST, San Beda University, Manila Adventist College, UP- Bonifacio Global City, at San Beda College- Alabang.
Napili naman na LTCs sa Luzon ang Saint Louis University at University of Nueve Caceres.
Sa Visayas ay sa University of San Jose – Recoletos, Central Philippine University, at Dr. V. Orestes Romualdez Educational Institution.
Sa Mindanao ay sa Xavier University at Ateneo De Davao University.
Maaaring tingnan ng examinees ang assigned testing centers nila sa Bar Applicant Registration System and Tech Assistance (BARISTA).
Ikinonsidera ng SC sa proseso ng venue assignment ang preference ng bar examinees.
Moira Encina-Cruz