Lithuania nababahala sa mga pangyayari sa South China Sea
Nagpahayag ng pagkabahala si Lithuanian Foreign Minister Gabrielius Landsbergis sa mga kaganapan sa South China Sea na nagbabanta sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon at buong mundo.
Si Landsbergis ay nagtungo sa bansa kung saan napagkasunduan nila ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na mas paigtingin ang kooperasyon at ugnayan ng Pilipinas at Lithuania gaya sa ekonomiya at sports.
Siya ang kauna-unahang Lithuanian foreign minister na bumisita sa Pilipinas.
Ayon kay Landsbergis, mahalaga ang pagsunod ng mga bansa sa rules-based international order lalo na’t ang buong mundo ang apektado kapag may kaguluhan sa isang rehiyon.
Nanawagan ang Lithuanian diplomat sa mga bansa na magsama-sama laban sa mga umaabuso.
Kaugnay nito, inihayag ni Landsbergis na handa rin ang Lithuania na makipagtulungan sa Pilipinas sa larangan ng seguridad at depensa partikular sa cyber at maritime security.
Nagpasalamat naman si Secretary Manalo sa Lithuania sa pagsuporta nito sa 2016 Arbitral Award at pagpapahalaga sa international law.
Moira Encina