Live demonstration ng anti-air warfare capability ng Phl Navy, sinaksihan ni PBBM sa Zambales
Sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang live demonstration ng kauna-unahang anti-air warfare capabilities ng Philippine Navy (PN) sa karagatan ng San Antonio, Zambales.
Sa pamamagitan ito ng test firing ng surface-to-air missile (SAM) na nakakabit sa guided missile frigate na BRP Antonio Luna.
Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng mga pangunahing events sa paggunita ng 125th anniversary ng Philippine Navy ngayong buwan.
Inobserbahan ni Pangulong Marcos ang capability demonstration sakay ng viewing ship na BRP Davao del Sur.
Sa nasabing aktibidad, tinarget ng Mistral 3 SAM at sinira ang isang drone bilang mock target bay sa scenario kung saan na-detect ng FF151 ang isang unmanned aerial hostile.
Ipinakita rin sa live demo ang countermeasure ng frigate, ang Bullfighter Chaff Decoy – isang 130-millimeter super-rapid-booming offboard countermeasure (SRBOC) na idinesensyo para talunin ang radio frequency at infrared-guided missiles.
Ang Mistral 3 SAM ay may 90-millimeter high-explosive warhead, range na higit sa 3 nautical miles at bilis na 2.7 Mach.
Ito ang pangunahing kasangkapan ng Jose Rizal-Class (BRP Jose Rizal o FF150) multi-mission capable frigates na nagpapalakas sa defensive capabilities nito laban sa aerial hostiles.
Ang AW159 anti-submarine warfare naval helicopter ay itinanyag din sa pamamagitan ng paggamit sa Compact-FLASH dipping sonar nito, gayundin ng BlueShark torpedo para i-detect, i-locate at i-neutralize ang mga nakatagong submarine.
Itinuturing ng Navy ang pagtitipon bilang mahalagang aktibidad dahil kumakatawan ito sa mahusay na hakbang para higit na protektahan ang Pilipinas at gawing ligtas ang mamamayang Filipino.
Weng dela Fuente