Livelihood fair para sa OFW’s na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia, ilulunsad ng DOLE
Isang job at livelihood fair ang ilulunsad ng DOLE ngayong buwan para sa mga OFW’s na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, isasagawa ang job fair sa Marso 28 sa Occupational Safety and Health Center sa Quezon City.
Nakapagpa pre-register na sa Overseas Workers Welfare Administration ngayong linggo ang mga OFW na umuwi mula sa Saudi.
Ang mga pinoy worker ay galing sa siyam na kumpanya na nagkaroon problemang pinansyal dahil sa krisis sa krudo sa Saudi noong nakaraang taon.
Sinabi naman ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac , 20 agency para sa mga trabaho sa ibang bansa at 20 employers para naman sa lokal na trabaho ang inimbitahan sa fair at handa silang tumanggap ng mga aplikante sa nasabing araw.
Mayroon na ring mga job fair para sa mga OFW na nawalan ng trabaho na itinakda sa iba’t- ibang rehiyon tulad ng Cebu at Mandaue simula ngayong linggo.
Bagaman tatanggap ng mga walk in applicant, hinimok ng DOLE at OWWA ang mga dati nang namasukan sa mga kumpanya sa Saudi Arabia na samantalahin ang oportunidad na magpapre-register sa mga itinakdang araw para mas mapabilis ang pagproseso ng kanilang mga aplikasyon.
Ulat ni: Moira Encina