Local absentee voting ballots na naipadala sa Comelec, nasa 60,000 na
Nasa kabuuang 60,000 local absentee voting ballots ang naipadala na sa Commission on Elections (Comelec) main office sa Intramuros, Maynila.
Ito ay batay sa inilabas na data ng komisyon hanggang ala-6:45 kagabi.
Ang bilang ay katumbas ng 70 porsyentong voting turnout mula sa 84,357 aprubadong local absentee voters, mula Abril 27 – 29.
Kasama sa pinahintulutan ng komisyon na makabilang sa local absentee voting ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno, miyembro ng ilang ahensya ng gobyerno, at maging ang mga kagawad ng media.
Ang Comelec ay tatanggap ng local absentee voting ballots hanggang sa Lunes, Mayo 9.
Samantala, tiniyak ng ahensiya na nakatago ang mga balota sa bantay-saradong kwarto at bubuksan lamang iyon Lunes ng gabi para sa gagawing canvassing.