Local Gov’t units, kailangan pa ring makinig sa mga babala ng Phivolcs kahit business as usual na sa Tagaytay
Dahil sa apila ng mga Local Government Units, pinayagan na ng Department of Interior and Local Government (DILG) na magbukas ng negosyo sa Tagaytay kasama na ang mga Barangay na nasa Taal ridge.
Sa panayam ng Agila Balita, sinabi ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya, nasa pananagutan na ito ng mga LGU.
Batay naman aniya sa pahayag ng Phivolcs, bagamat may panganib pa rin ng ashfall, ang mga lugar na nasa ridge ay mababa na ang panganib sa projectiles, base surge at volcanic tsunami.
Pero nilinaw ni Malaya na bagamat mababa na sa panganib, kailangang pakinggan at sundin pa rin ang mga babala ng Phivolcs tungkol sa mga pinakahuling aktibidad ng Bulkang Taal.
“Napakahirap na balansehin ang interes ng ating mga kababayan, interes ng gobyerno at mga negosyante para masiguro ang kaligtasan ng ating mga evacuees, lahat yan ay binabalanse natin. Pero at the end of the day, science pa rin ang sinusunod natin and we will comply to that”.
Samantala, sinabi ni Malaya na pag-aaralan pa nila kung ano ang nararapat na aksyon para kay Talisay, Batangas Vice-Mayor Charlie Natanauan matapos ang hindi magagandang salitang binitiwan nito laban kay Phivolcs Director Renato Solidum.
Ayon kay Malaya, nabigla siya sa mga naging pahayag ni Natanauan at maituturing ito bilang “Unbecoming of a Public official”.
Bagamat hindi niya personal na kakilala ang Vice-Mayor, pero batay sa mga impormasyong nakarating sa kaniya , nagbibitaw ng mga pahayag si Natanauan na may halong pangungutya sa kaniyang kapatid na Mayor naman ng bayan ng Talisay.
Pero wala naman aniyang dapat ipangamba ang mga residente dahil ang Mayor pa rin ang tumatayong Chairman ng Local Disaster at siyang dapat na masunod.
“Ito po ay kautusan ng Phivolcs at kautusan ng NDRRMC at hindi maganda na ang isang public official ay nagsasabi ng ganun. Let’s find out kung ano na ang latest ngayong araw at kung andun pa rin siya ay kailangan na nating umaksyon”.