Local Price Coordinating Council, palalakasin ng Malakanyang para mapababa ang presyo ng mga bilihin sa bansa
Gumagawa na ng hakbang ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan para maresolba ang mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na magkakaroon ng koordinasyon ang Local Government Units, Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry para makabuo ng mekanismo sa pagpapababa ng presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Secretary Lopez, hihigpitan ang price monitoring sa merkado kung nakasusunod sa ipinatutupad ng Sugested Retail Price (SRP) ang mga negosyante.
Inihayag ni Lopez na tututukan nila ang presyo ng mga bilihin mula sa farm gate, middle man hanggang sa merkado upang makita ang galaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Niliwanag ni Lopez sa mga meat products kasama na ang baboy at manok ay daragdagan ng Department of Agriculture ang importation upang maragdagan ang suplay na magbibigay-daan sa pagbaba ng presyo.
Sa ngayon ay umaangal na ang mga consumers dahil sa gitna ng Pandemya ng COVID-19 ay patuloy na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Vic Somintac