Local testing centers para sa bar exams sa Enero at Pebrero 2022, nadagdagan pa
Kabuuang 29 na ang local testing centers na pagdarausan ng bar examinations sa Enero at Pebrero ng susunod na taon.
Sa bar bulletin na inisyu ni 2020/2021 Bar Chairperson at Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen, nakasaad na nadagdagan ng limang educational institutions ang pagsasagawaan ng pagsusulit.
Tatlo sa mga ito ay sa NCR na UP Diliman, UP Bonifacio Global City, at De La Salle University Manila.
Tig-isa naman sa Central Luzon na Angeles University Foundation at sa Northern Mindanao na Liceo de Cagayan University, Paseo del Rio Campus.
Pinagtibay ang mga unibersidad na maging local testing centers matapos ang isinagawang assessment, ocular inspection at negosasyon.
Alinsunod sa memoranda of agreement sa pagitan ng SC at local testing centers, tiniyak ng lahat ng partido na mahigpit na ipatutupad ang health at safety protocols at susundin ang ipinaiiral na community quarantine classifications sa bawat lugar.
Simula naman sa October 15 hanggang October 20 ay maaari nang pumili ang mga approved bar applicants ng kanilang preferred local testing center sa Bar Personal Login Unified System (Bar PLUS).
Iaanunsiyo ng SC sa website nito sa October 25 ang listahan ng mga assigned local testing centers ng mga examinees.
Una nang inilipat ng Korte Suprema ang petsa ng pagsasagawa ng bar exams sa Enero 16, 23, 30, at Pebrero 6, 2022 sa halip na Nobyembre ngayong taon dahil sa COVID-19 situation sa bansa.
Moira Encina