Localized lockdown, ipinatupad sa 4 na Barangay at 10 residential compound sa Isabela
Sa pagpasok ng bagong taon ay biglaan din ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bayan ng Tumauini, Isabela.
Bunsod nito, sa bisa ng Municipal Executive Order no. 1 series of 2021, ay ipinatupad ng alkalde ng bayan na si Mayor Arnold Bautista, ang localized lockdown sa apat na barangay at sampung residential compound sa kanyang nasasakupan, mula Enero 5-19, upang mapigilan ang paglaganap ng sakit.
Ang apat na barangay na isasa-ilalim sa localized lockdown ay ang Barangay District 1 at Barangay District 2, gayundin ang Barangay Paragu at Maligaya.
Kabilang naman sa sampung residentail compound ang De Alban st. sa Barangay District 3, Purok 5 sa Barangay District 4, Purok 1 sa Barangay Arcon, Purok 7 sa Barangay Annafunan at Barangay San Pedro, Purok 5 sa Barangay Camasi, Purok 2 sa Barangay Moldero, Purok 1 sa Barangay Sto. Nino at San Mateo, at Purok 4 sa Barangay Lanna.
Sa kasalukuyan ay maroong 48 active cases sa Tumauini.
Muli namang nagpaalala ang mga kinauukulan sa health protocols, kabilang na ang 14-araw na quarantine sa mga bumabalik na residente galing sa ibang lugar.
Ulat ni Ryan Flores