Lockdown sa Senado, hindi na palalawigin
Hindi na palalawigin ng Senado ang ipinatutupad na lockdown sa gusali nito pagkatapos ng dalawang linggong Enhanced Community Quarantine.
Ito ay sa kabila ng nagpositibo sa Covid-19 si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at driver nito.
Si Revilla ay dumalo sa sesyon noong Lunes at sa isang pagtitipon kaugnay sa pagkamatay ng kaniyang ama noong Martes.
Ang Senado ay nasa ilalim ng ECQ mula pa noong Martes ng nakaraang linggo bilang suporta sa panawagang Time-out ng mga Medical frontliner.
Pero ayon kay Senate President Vicente Sotto, wala pang ebidensyang sa Senado nahawa ng virus si Revilla at driver nito.
Regular din aniya ang pagdi-disinfect sa Senado at mahigpit nilang ipinatutupad ang health protocols.
Nangangamba si Sotto na kung palalawigin ang lockdown, walang kakainin ang mga empleado ng Senado dahil hindi maipo- proseso ang kanilang suweldo.
Ulat ni Meanne Corvera