‘Lockdown,’ Word of the Year ng Collins Dictionary
LONDON, United Kingdom (© Agence France-Presse) – Inihayag ng Collins Dictionary, na ang “lockdown” ang kanilang Word of The Year ngayong 2020, bunsod na rin ng naging malawakang paggamit ng salitang ito sa panahon ng pagkalat ng COVID-19.
Ayon sa Lexicographers, pinili nila ang salita dahil naging kasingkahulugan ito ng naranasan ng populasyon sa magkabilang panig ng mundo, nang gumawa ng hakbang ang mga gobyerno upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus.
Sinabi ng publishers na Harper Collins, na ito ang pare-parehong naranasan ng bilyun-bilyong katao sa buong mundo, at papel na kanilang ginampanan sa paglaban sa pagkalat ng COVID-19.
Ang Collins ay nakapagtala ng higit sa quarter of a million usages ng “lockdown” ngayong 2020, kumpara sa 4,000 lamang noong nakalipas na taon.
Bunsod na rin ng paraan kung paano nakaapekto ang pandemya sa pang-araw araw na gamit ng salita, anim sa 10 words of the year ngayong 2020 ng Collins ay may kaugnayan sa global health crisis.
Kabilang sa 10 words of the year ang “Coronavirus”, “social distancing”, “self-isolate” at “furlough,” maging ang “lockdown” at “key worker.”
Ang “Key worker” lamang ay mayroon nang 60 ulit na pagtaas sa paggamit, na repleksyon ng kahalagahan ngayong taon ng mga propesyong na ikinukonsiderang lubhang kailangan ng lipunan.
Sinabi naman ni Helen Newstead, isang language consultant sa Collins, na ang 2020 ay dinomina ng global pandemic, at ang lockdown ay nakaapekto sa paraan ng ating pagtatrabaho, pag-aaral, pamimili at pakikisalamuha.
Sa depinisyon ng Collins, ang “lockdown” ay pagpapatupad ng mahigpit na restriksyon sa pagbiyahe, social interaction, at access sa public spaces.
Samantala, isinama rin ngayong taon ng Collins ang “TikToker,” na lumalarawan sa sinuman na nagbabahagi ng content sa TikTok social media platform.
Ang “Mukbang,” na tumutukoy sa isang South Korean trend ng video bloggers na kinukunan ng video ang pagkain nila ng napakaraming klase ng pagkain para sa kanilang followers, ay nakasama rin sa listahan.
Naka impluwensya rin ang UK royal family sa shortlist ng 2020.
Ang “Megxit,” na tumutukoy sa pagbibitiw ni Prince Harry at asawa niyang si Meghan sa kanilang royal duties, ay regular nang ginamit.
Ang salita na ang naging modelo ay ang “Brexit,” na naging word of the year ng Collins noong 2016, ay naglalarawan kung gaano na ngayon katatag ang salitang ito sa British lexicon.
Isinulat ni Liza Flores