Iba, Zambales LGU, naglabas ng resolusyon sa pagbubukas ng mga establisyimento
Ipinagbigay alam ng Local Government (LGU) ng Iba at ng New Iba Public Market Office, na simula December 6, 2020 hanggang January 17, 2021 ay pansamantalang muling bubuksan ang pamilihang bayan tuwing Linggo.
Batay ito sa Resolution No. 113 Series of 2020, na inilabas ng Sangguniang Bayan ng Iba .
Layon nito na mapaghandaan at mabigyan ng mahabang oras ang mga mamimili, dahil sa nalalapit na holiday season.
Matatandaan na noong Hulyo 8, 2020 ay ideneklara ng Sangguniang Bayan ng Iba ang Ordinance No. 22, Series of 2020 o ang “Period of Vigilance,” kung saan sarado ang mga establisimyento gaya ng Supermarkets, Groceries, Public Markets, Meat Shops at Vegetable Shops tuwing Linggo sa loob ng “Period of Vigilance.”
Sa Resolution No.113, Series of 2020, ay maaari nang magbukas tuwing Linggo na dati ay bukas lamang mula Lunes hanggang Sabado, ang mga nabanggit na establisimyento mula December 6, 2020 hanggang January 17, 2021.
Namamalagi naman ang paalala ng Pamahalaang Bayan ng Iba sa mga mamamayan, na ugaliin ang pagsusuot ng facemask at face shield, at panatilihin ang social distancing upang makaiwas sa COVID-19, ang sakit na kumakalat ngayon.
Ulat ni Shan Araucto