Loopholes at problema ng COVID-19 Vaccination program ng gobyerno, iimbestigahan ng Kamara
Inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang resolusyon na mag-iimbestiga sa loopholes o mga butas at problema ng COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.
Sa House Resolution 192 ni AnaKalusugan Partylist Representative Ray Florence Reyes, inaatasan ang House Committee on Health na magsagawa ng imbestigasyon sa isyu bilang parte ng kabuuang Pandemic response ng pamahalaan at makahanap ng solusyon dahil sa pagtaas muli ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Nakapaloob din sa resolusyon ang imbestigasyon kung bakit inabutan ng expiration ang mga COVID-19 vaccine na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso at hindi naibakuna.
Batay sa record ng Department of Health (DOH), tinatayang nasa mahigit 72 milyong populasyon ng bansa ang nabigyan ng dalawang dose ng COVID-19 vaccine at nasa mahigit 16 na milyon pa lamang ang naturukan ng booster shot.
Vic Somintac