” Love The Philippines ” bagong tourism campaign ng Pinas
May bago nang tourism slogan ang Pilipinas.
Ito ay ang ” Love The Philippines ” na inilunsad ng Department of Tourism (DOT) sa selebrasyon ng ika-50 anibersaryo ng kagawaran.
“Love the Philippines goes to the very heart of every single Filipino with the distinct grace and hospitality with which we welcome every guest that comes into our shores, our communities, and our homes. Love the Philippines is a recognition of our natural assets, our long and storied history, our rich culture and diversity” ani Tourism Secretary Christina Frasco.
Napapansin na aniya ng mundo na maraming dahilan para mahalin ang Pilipinas at may higit pa tayong maiaalok bukod pa sa “fun” and “adventure.”
Dagdag pa ng Kalihim, sa survey ng United Nations World Travel Organization (UNWTO) ang market repositioning at rebranding strategies ang mga prayoridad ng mga bansa pagkatapos ng pandemya.
Ipinakita sa programa ang ilang bagong tourism campaign videos gamit ang bagong slogan.
Panauhing pandangal sa golden anniversary ng DOT si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagpahayag ng suporta sa industriya ng turismo at sa bagong tourism campaign ng bansa.
Hinimok ni Pangulong Marcos ang mga Pilipino na magsilbing tourism ambassadors ng Pilipinas at ipagdiwang at ipagmalaki ang pagmamahal sa bansa sa pamamagitan ng ” Love The Philippines ” campaign.
Aniya, ang hospitality at genuine warmth ng mga Pinoy sa mga bisita nito ang greatest asset nito.
“I call on the entire Filipino nation to allow yourselves to be our country’s tourism ambassadors. I enjoin you all to be our country’s promoters, advocates, and if I may borrow a coined term in this age of social media, be our country’s top influencers” pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Tinanggap naman ni PBBM ang pagkilala ng DOT sa kaniyang ama na si Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na siyang naglabas ng kautusan noong 1973 na lumikha sa Tourism Department bilang hiwalay na kagawaran.
Binigyang parangal din sa selebrasyon ang mga dating kalihim ng DOT.
Moira Encina